Kapag nalulungkot ako dito sa Amerika, napapaisip ako kung tama ba na nandito ako? Kung natutumbasan ba ng mga karanasan at biyayang natatanggap ko dito ang anumang wala dito? Ang hirap minsan, lalo na kasi ang dami talagang pagsubok na dumarating dito. Di mo nga mahuhulaan kung ano ang mangyayari bukas?
Ah ewan, siguro magulo lang ang takbo ng utak ko ngayon. Kasi bukod sa kapag Lunes tambak ang trabaho ko ay ang pinakamatalik kong kaibigan sa trabaho ay may sama pala ng loob sa akin. Grabe, ang hirap pala na kayo lang dalawa sa kwarto sa opisina na walang imikan at nung mag-imikan kayo ay nanggagalaite pa siya sa galit at wala akong kamuang-muang na ganoon katindi sa kanya ang aking nagawa. Hindi naman ito tungkol sa trabaho kungdi sa aming personal na relasyon na siyempre nakakaapekto sa pagpasok at pagtratrabaho namin sa opisina. Haay, sana naman maayos na at sana patawarin na niya ako sa kung ano man sa tingin niya na nagpasama ng kanyang loob. Siguro nga kapag malalim na ang pagkakaibigan, mahirap din kapag nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan. Minsan naisip ko, mas madaling makisalamuha sa mga lalaking kaibigan. Wala masyadong sama ng loob, simple lang at walang drama.
Siguro ngayon alam niyo na kung bakit naisipan kong magsulat ng Tagalog kahit na hirap na hirap na kong isipin ang mga tamang salita sa aking pagsusulat, hahaha. Bukod sa sakaling mabasa niya ito ay hindi nya maiintindihan, ay sa kadahilanang sobrang nananabik ako sa Pilipinas at sa mga taong mahahalaga sa akin doon.
Kahapon nga, tinagpo ko sa paliparan ang aking kaibigan dito na pauwi ng Pilipinas at talaga naman kakaibang negatibong pakiramdam ang aking nadama. Sana ganon lang kadali umuwi at makapiling ang mga taong malapit sa iyo sa Pilipinas.
Tapos nakatanggap pa ko ng sulat sa aking lalaking pinakamatalik na kaibigan sa bangkong aking pinagtrabuhan noon na ikakasal na siya sa Enero 2007. Sobrang masaya ko para sa kanya pero siyempre, nakakalungkot na alam ko na di ako makakadalo sa kanyang mahalagang araw na isang beses lang madalas mangyari sa isang tao. Haay naku, pero ano ba naman ang bago dito? Kinasal nga yung babaeng pinakamatalik kong kaibigan nitong Mayo at gusto niya akong kunin na "maid of honor" pero siyempre hindi naman ako nakadalo. Maraming mga susunod na ikakasal sa mga kaibigan ko doon pero malamang lahat yon ay hindi ako makakadaluhan. Sana naman sa kasal man lang ng aking kuya na nararamdaman kong malapit-lapit na din ay makapunta ako.
Siguro, hindi ko araw ngayon. Kasi puro panghihinayang ang naiisip ko at kalungkutan sa sitwasyong kinatatayuan ko. Minsan, mahirap talagang maging banyaga at malayo sa lupang kinamulatan ko. Sana lahat nito ay may kapalit na maganda balang araw.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment